Presong Briton tumakas

Nagawang matakasan ng isang British national ang kanyang mga bantay sa kulungan nang wasakin ang rehas ng kanyang selda habang nahihimbing umano ang mga bantay sa lalawigan ng Aklan.

Isang manhunt operation na ngayon ang inilunsad upang muling madakip ang tumakas na preso na si Cavin Cochrane, 45, may address sa Fruitville Road, Sarasota, Florida, USA.

Hindi naman naiulat kung anong kasong kriminal ang hinaharap ni Cochrane.

Sa naantalang ulat sa Camp Crame, nabatid na nakatakas ang biktima dakong alas-2 ng madaling araw noong Miyerkules sa Aklan Rehabilitation Center.

Nasa kahimbingan ng pagtulog umano ang mga guwardiya ng kulungan nang samantalahin ito ng preso. Nadiskubre naman ang pagkakatakas nito dakong alas-7 ng umaga nang magsagawa ng roll call ang mga bantay.

Isang masusing imbestigasyon ngayon ang isinasagawa upang mabatid kung nagkaroon ng sabwatan sa naturang insidente. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments