Inaasahan ngayon ng tropa ng militar na malapit na nilang masukol ang mga bandido na unti-unting lumiliit ang espasyo sa naturang kabundukan na kanilang pinagtataguan.
Base sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Aguinaldo, unang nadiskubre at nabawi ng militar ang isang kampo sa Mt. Tumatangis, Indanan, Jolo, Sulu bandang alas-8 ng umaga habang nagsasagawa ng pagtugis sa mga bandido.
May mga maliliit na kubo at mga bunker na maaaring magkuta ang 30-katao na pinaniniwalaang may isang buwan nang inabandona ng mga bandido at lumipat na naman ng ibang lugar.
Ayon pa sa ulat, makalipas naman ang kalahating oras ay isa na namang abandonadong kampo ang nadiskubre at nabawi sa masukal na kabundukan na pinaniniwalaang naghati sa dalawang grupo ang mga nagsisitakas na mga Abu Sayyaf.
May palatandaang may dalawang linggo nang iniwan ng mga bandido ang kampo dahil sa natutunugang papalapit na ang puwersa ng militar. (Ulat ni Danilo Garcia)