Batay sa ulat na nakarating kahapon kay Major General Roy Kyamko, SOLCOM chief na pinasok ng pitong rebelde ang compound ng Globe cellsite at dinis-armahan ang dalawang guwardiya na sina Iladio Binay at Jiminiano Mina kaya hindi na pumalag sa takot na mapatay.
Bandang alas-4 ng hapon nang buhusan ng gasolina ng mga rebelde ang mga apparatus, tower at generator ng nabanggit na cellsite bago sinilaban.
Ang pananabotahe sa cellsite ay itinaon ng mga rebelde habang nagsasagawa ng pagtugis ang tropa ng militar dahil sa naganap na pananambang ng NPA sa grupo ni Col. Jovito Palparan Jr. sa Brgy. Dulangan, Puerto Galera, Oriental Mindoro.
Ang panununog ng mga rebelde ay ikaapat na Globe cellsite sa loob lamang ng isang buwan na ang unang pananabotahe ay naganap sa Candelaria, Quezon, sinundan naman sa Liliw, Laguna at ang ikatlo ay sa Matabungkay, Lian, Batangas.
Nagbanta naman ang liderato ng NPA rebels na paiigtingin pa nito ang pananabotahe hanggang sa dumating ang ika-33 anibersaryo ng pagkakatatag ng maka-kaliwang kilusan sa darating na Disyembre 26, 2002.
Bunsod nito, inatasan ni Kyamko ang mga field commander na pag-ibayuhin ang pagbabantay sa mga pribadong installation at pag-aari ng gobyerno upang hindi na maulit pa ang naganap na pangyayari.
Ang bawat isang cellsite na itinatayo ng Globe ay nagkakahalaga ng P 15 milyon. (Ulat nina Tony Sandoval at Danilo Garcia)