Ang direktiba ni Undersecretary for Transportations Arturo Valdez ay ipinalabas matapos na mabatid na colorum at walang linyang pumasada ang nasabing bus.
Nabatid pa sa opisyal na inatasan na ni DOTC Secretary Leandro Mendoza ang tanggapan ni Land Transportation and Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Dante Lantin na magsagawa ng masusing imbestigasyon.
Gayundin, ipinag-utos sa LTFRB na obligahin ang insurance firm ng Falcon na bayaran sa lalong madaling panahon ng P1.65-M ang pamilya ng mga nasawing biktima.
Base sa inisyal na imbestigasyon, sa Region V lamang awtorisadong bumiyahe ang nasabing bus subalit nanggaling ito sa Metro Manila.
Magugunitang 33 katao ang nasawi habang anim pa ang grabeng nasugatan matapos na bumulusok sa bangin ang bus sa Brgy. San Vicente, Tagkawayan, Quezon.
Alinsunod sa itinatadhana ng batas, kailangang bayaran ng may-ari ng insurance na si Mr. Edward Remo ang pamilya ng bawat isa sa mga nasawing biktima ng tig-P50,000.
Napag-alaman pa na karamihan sa mga nasabing biktima ay kinilala na ng kanilang mga kamag-anak na nagmula pa sa Maynila, Sorsogon, Masbate at Bicol. (Ulat nina Joy Cantos, Lilia Tolentino at Angie dela Cruz)