Lider ng Tamayo Gang nabuwag

CAMP MAKABULOS, Tarlac – Nabuwag ng Tarlac Police ang isang kilabot na sindikato na responsable sa serye ng kidnap for ransom at robbery sa Tarlac, Nueva Ecija at Pangasinan makaraang maaresto ang 10 miyembro at lider nito kamakailan.

Sinabi ni Police Provincial Director, Sr. Supt. Mario Sandiego na ang sindikatong ito na kilala sa tawag na Tamayo Gang ay pawang mga brutal na mamamatay tao.

Nabatid na karaniwan ng tatak ng sindikatong ito ang paghiwa-hiwalayin ang katawan ng kanilang biktima o kundi man ay pinuputulan ng ulo.

Kinilala ni Sandiego ang lider ng grupo na si Danny Iglesya ng Barangay Cabaruan ng Guimba, Nueva Ecija.

Si Iglesya ay bumagsak sa kamay ng mga awtoridad makaraang bumalik ito sa Nueva Ecija matapos ang matagal na pagtatago sa Malabon.

Kabilang din sa kinilala ni Sandiego sa mga naarestong miyembro ay sina Miguel Gatus alyas Hepe, Ludigario Asuncion alyas Luding, Tony Istomen alyas Kwatog, Noel Quimbo alyas Puto, Rosalina Viquierra, Romy Labagara na itinuturong assassin ng sindikato, Richard Allan Alejo at Ronnie dela Cruz na responsable sa gun running ng grupo.

Nabatid na ang Tamayo Gang ang siyang responsable sa serye ng carnapping at robbery with murder and homicide sa mga bayan ng Camiling, La Paz, Sta. Ignacia at Paniqui ng Tarlac province; Tarlac City, Cabanatuan City ; Guimba at Gabaldon towns sa Nueva Ecija at gayundin sa Binmaley, Pangasinan.

Sinabi ni Sandiego na sa pagkakabuwag ng Tamayo Gang ay nalutas na rin ang may 23 unsolved heinous crimes sa Tarlac, Nueva Ecija at Pangasinan. (Ulat ni Benjie Villa)

Show comments