P2-B kinita ng SBMA

SUBIC BAY FREEPORT – Pagpapatunay na ang Subic Freeport ay isa sa mga pinakamalaking investment site sa bansa, ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ay nakalikom ng P2-bilyon mula sa committed investments sa loob ng siyam na buwan ng taong 2002.

Sinabi ni SBMA Chairman Felicito Payumo, tumaas ng hanggang 63 porsiyento ang negosyo bunsod ng pagpasok ng mas maraming mamumuhunan na nahikayat magtayo ng kanilang negosyo sa Subic.

Ayon sa ulat ng SBMA Investment Processing Department (IPD), nakapag-apruba ang SBMA Board of Directors ng 140 negosyo mula Enero hanggang Setyembre, na kinabibilangan ng 59 bagong lease agreement at 81 sub-lease agreement, na nagpasok ng P1,866,762,337 ng committed investment.

Kaugnay nito, umaabot naman sa 15,368 manggagawa ang nabigyan ng trabaho ng SBMA Labor Center sa naturang panahon. Sa kasalukuyan, may kabuuang 55,420 manggagawa na ang nagtatrabaho sa loob ng Freeport na nakakalat sa SBMA, subsidiary nitong Freeport Service Corporation (FSC). (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments