Kinilala ni P/Supt. Jose Dayco hepe ng Antipolo City PNP ang karagdagang suspek sa lotto-muder na si Brgy. Capt. Eduardo Lagasa.
Si Lagasa ay inaresto dahil sa pagtanggi nitong isuko ang shotgun na narekober habang tinutugis ang mga pumaslang sa biktimang si Arturo Eufemia na dating taxi-driver at naging instant millionaire nang mapanalunan ang P19M jackpot sa lotto.
Sinabi ni Dayco na isasailalim nila si Lagasa sa isang interogasyon upang matukoy ang lalim ng naging partisipasyon nito sa krimen at ang motibo nito sa pagtatago ng armas.
Samantala ay nagpahayag ng pangamba si Dayco sa nararanasang delay sa paglalapat ng hustisya para sa biktima dahil hindi pa nakakasuhan ang 10 naarestong suspek na sina Rolando Velasco, Samuel Guiba, Luisito Kaindoy, Aurelio Omega, Lito Aparico, Joselito Ros Borres, Eric Penalosa, Noel Pinoza, Francisco Areque at Renato Rasonado makaraang tanggihan ng piskalya ng Antipolo na i-inquest ang mga ito dahil sa selebrasyon ng All Souls Day.
Sinabi ni Dayco na ipinasundo pa niya ang piskal na naitalagang mag-inquest sa mga suspek pero tumanggi umano ito dahil wala pa umanong order. (Ulat ni Joy Cantos)