Sinabi ni Col. Alexander Aleo, Jolo military commander na ang mga nalambat na Sayyaf kidnaper ay responsable sa pagdukot sa tatlong Indonesian seamen at apat na miyembro ng malaking sekta ng relihiyon ngunit hindi naman kaagad namataan ang mga biktima na pinaniniwalaang dinala ng mga natitirang nagsitakas na Sayyaf.
Ayon pa kay Aleo na narekober ng kanyang mga tauhan ang hindi pa mabatid na bala ng malakas na baril na pinalalagay na iniwanan ng mga bandidong Abu Sayyaf na kasalukuyang tinutugis pa ng militar.
Ang isinagawang pagsalakay ng militar ay bahagi ng operasyon laban sa mga Muslim extremist na nagsasagawa ng pagdukot sa mga dayuhan bago humihingi ng ransom money.
Napag-alaman pa sa ulat ng militar na ang grupo ng Abu Sayyaf ay sumapi na sa grupo ng rebeldeng Muslim kabilang na ang tagasuporta ni dating ARMM Governor Nur Misuari na nagkukuta sa Patikul, Sulu.
Idinagdag pa ni Aleo na iniuugnay din ang Sayyaf sa serye ng pagpapasabog sa Zamboanga City malapit sa Jolo na ikinasawi ng 12 katao kabilang na ang isang miyembro ng US Green Beret.(Ulat ni John Unson)