Si Police Officer 2 Rodino Ocon ng Talomo Police Station ay inakusahan ng biktimang si Noreen Lumayag na nang-agaw ng kanyang cellphone habang lulan ng pampasaherong dyip sa Matina-Aplaya noong Setyembre 6.
Ayon sa ulat, matapos ang pangyayari ay nagtungo si Lumayag sa himpilan ng pulisya sa Talomo upang magreklamo ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay namukhaan nito ang suspek at positibong itinuro si Ocon na siyang umagaw ng kanyang cellphone.
Kasunod nito, lumantad din ang dalawang biktima ni Ocon na sina Charito Pagdilao at Jovita Fontanilla na inagawan din ng cellphone ni Ocon.
Nabatid pa sa ulat na si Pagdilao ay naglalakad sa kahabaan ng Mangga St. sa Juna Subdivision noong Agosto 5 nang harangin siya ng dalawang naka-motorsiklo na isa sa suspek ay si Ocon at dugasin ang sariling cellphone at P50 cash.
Samantala, si Fontanilla naman ay katulad din ng sinapit ni Lumayag kaya magkakasabay silang nagsampa ng kasong theft laban kay Ocon sa Municipal Trial Court Branch 2.
Napag-alaman pa na ang Talomo area ay kalimitang may nagaganap na cellphone snatching at dito ring lugar nakatalaga si Ocon. (Ulat ni Edith Regalado)