Kinilala ang mga rebeldeng napatay na sina Jose Aquiza, alyas Ka Morris at Ariel Hernandez, alyas Ka Enteng,samantala, nasugatan sa engkuwentro si Capt. Ramon Borromeo ng Armed Forces of the Phils. Intelligence Task Force Unit. Ang dalawa ay kapwa mula sa Trece Martirez City, Cavite at bumaba lamang upang mangalap ng impormasyon bago napatay.
Base sa ulat, si Aquiza ay NPA kumander sa Southern Tagalog, samantala, si Hernandez naman ay vice kumander sa Region 4 na pinaniniwalaang may mga kasamahan pang aabot sa dalawampung rebelde.
Nabatid sa ulat na si Aquiza ay responsable sa pagpatay kina Tanauan, Batangas mayor Cesar Platon, Cagayan Rep. Rodolfo Aguinaldo at Quezon Rep. Marcial Punzalan.
Sa nakarating na ulat kay P/Senior Supt. Samuel Pagdilao, Cavite police provincial director, naitala ang engkuwentro bandang alas-11:35 ng gabi sa itinayong checkpoint ng mga awtoridad.
Idinagdag pa ni Pagdilao na nakatanggap sila ng impormasyon na lulusob ang mga rebelde sa Cavite at planong likidahin ang ilang matataas na opisyal ng lokal na pamahalaan ng nabanggit na lalawigan, partikular ang mga alkalde at barangay chairman kaya ipinag-utos niyang magtayo ng checkpoint sa maseselang lugar na maaring pagdaanan ng mga rebelde.
May palagay ang mga awtoridad na kasalukuyang nasa kagubatan ng Cavite ang mga kasamahan ng dalawang napaslang na NPA kumander at naghihintay na makatiyempo na maghasik ng karahasan. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)