Si Larry Ferrer, 29, na kumpirmadong confidential agent ng NBI ay sinibak na ni Director Reynaldo Wycoco dahil sa pagkakasangkot nito sa naganap na kidnapping, samantala, si Oscar Lacbay, 41, na asset ng mga ahente ng NBI ay kasalukuyang isinasailalim sa interrogation ng mga tauhan ni P/Sr. Supt. Arnulfo Espiritu, Laguna PNP provincial director.
Napag-alaman sa source ng PSN sa loob ng tanggapan ng NBI sa Maynila, lumalabas na si Ferrer ang ipinain ng mga ahente ng NBI sa isinagawang lehitimong operasyon dahil siya ang lowest mammals sa grupo.
May posibilidad na kumukuha lamang ng tiyempong itumba sina Ferrer at Lacbay ng grupo upang hindi kumanta dahil sa siguradong sibak, kulong at posibleng hatol na bitay ang kahihinatnan, ayon pa sa source.
Magugunitang kinidnap ang mga biktima bandang alas-10:40 ng umaga sa tinutuluyang Rapids Hotel ng grupo ng mga armadong kalalakihan na nagpakilalang mga ahente ng NBI at isinakay sa Isuzu Highlander na kulay maroon (WLE-601), samantala, sina Michelle Afable at Antonio Villanueva ay isinakay naman sa van (THH-861).
Nasaksihan ng head waiter na si Steve Bombay ang pangyayari kaya mabilis na naipagbigay-alam sa mga awtoridad.
Nakilala naman ang limang turistang kinidnap na sina Bayden Magakhia, Fred Nathan at Brett Moshiem na taga New Zealand; mag-asawang Tiger at Kris Lee na taga-Australia at dalawang Pinoy na nagsilbing tourist guide.
Hindi binanggit ng source kung saang sangay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga ahente na nagsagawa ng lehitimong operation na walang koordinasyon sa kapulisan ng Laguna. (Ulat ni Mario Basco)