Bilang sagot at aksyon ng alkalde ng naturang munisipalidad, ipinad-lock nito ang gusaling Pepe Caca, Georgetown Live Entertainment, Curacha, U-571 Club, Maligaya Club, Labs Kita KTV & Disco Bar at 392 Night Bar na pawang nagpapalabas ng bold shows na matatagpuan sa kahabaan ng Brgy. Calapandayan, Subic, Zambales.
Sa panayam ng PSN kay Ricardo Otero, Subic municipal administrator, ang aksyon ay alinsunod sa kanyang natanggap na ulat na lantarang bold shows sa nabanggit na mga establisimiyento kung saan kinumpirma mismo ng kanyang konsehal na si Rey dela Cruz ang naturang show at bilang sagot din nito sa nailathala ng PSN.
Maging ang Subic-PNP sa pamumuno ni Sr./Insp. Jerry Sumbad ay nag-atas na rin sa kanyang mga tauhan na magsagawa ng "monitoring" sa nabanggit na mga establisimiyento upang masigurong hindi na magpapalabas ng malalaswang panoorin ang mga nagmamay-ari nito.
Matatandaan na isinagawa ang pagpapasara sa mga nabanggit na KTV at diskuhan sa naturang lugar makaraang mailathala sa PSN ang lantarang pagpapasayaw ng hubot hubad ng mga kabataang babae na karamihan ay nasa edad 17 na nire-recruit ng isang nagngangalang Manny Arce mula sa ibat ibang lugar sa Metro Manila. (Ulat ni Jeff Tombado)