Umaabot sa P1.5 milyong halaga ng ari-arian ang natupok ng naturang sunog sa mga bahay na pag-aari ng mga kamag-anak ni Mamintal Gumambao, suspek sa pagpatay kay incumbent Chairman Batu-an Disinban, ng Brgy. West Caloocan, Marawi City.
Tadtad ng tama ng bala sa katawan at ulo si Disinban matapos na paulanan ng bala ng M-16 armalite ni Gumambao dahil sa pagtatalo ukol sa inilabas na pondo ng barangay buhat sa Internal Revenue Allotment (IRA). Agad na tumakas ang suspek matapos ang pamamaslang.
Matapos ang insidente, nagliyab naman ang kabahayan ng partido ng mga Gumambao, dakong alas-10:45 kamakalawa ng umaga. Naapula lamang ang apoy dakong alas-11:10 ng umaga ngunit tuluyang naabo na ang mga bahay habang wala namang naiulat na nasaktan.
Itinuturo naman ng mga kamag-anak ni Gumambao na ang partido ni Disinban ang may kagagawan ng panununog upang makaganti sa pagkasawi ni Chairman Batu-an.
Nagsasagawa ngayon ng masusing imbestigasyon ukol sa naturang pagpatay at panununog ang Marawi City Police upang mapatunayan ang mga akusasyon ng dalawang mag-anak. Masusi naman nilang binalaan ang mga ito dahil sa pangamba na magkaubusan ng lahi dahil sa kanilang gantihan. (Ulat ni Danilo Garcia)