Binata dinedo ng kalabang fraternity

BACOOR, Cavite - Isang 17-anyos na estudyante ang pinagtulungang saksakin hanggang sa mapatay ng tatlong kasapi ng isang fraternity habang ito ay naglalakad pauwi sa Barangay Poblacion sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Hindi na umabot ng buhay sa Las Piñas District Hospital ang biktimang si Jovet "Joebeth" Monares ng Gawaran St., Barangay Sigman, Bacoor, Cavite.

Samantala, ang mga suspek na ngayon ay nakapiit sa Bacoor PNP detention cell ay nakilalang sina Noris Sabino, 18 ng Brgy. Looban Banalo; Richard Martinez, 18 at Jhun Rinez na kapwa residente ng Barangay Sinuguelasan sa bayang ito at pawang miyembro ng RASAP fraternity.

Napag-alaman sa pagsisiyasat ni SPO1 Walter Basto, naganap ang krimen bandang alas-7 ng gabi makaraang resbakan ng mga suspek ang biktima na naglalakad mag-isa sa madilim na bahagi ng naturang lugar.

May palagay ang pulisya na alitan sa magkalabang fraternity ang naging sanhi ng pagpatay sa biktima. (Ulat nina Cristina Go-Timbang/Lanie Sapitanan)

Show comments