Sulyap Balita

Kumander ng NPA rebs nasakote ng militar
BULAN, Sorsogon — Nasakote kamakalawa ng militar ang isang mataas na kumander ng rebeldeng New People’s Army (NPA) matapos ang sagupaan sa Sitio Liman, Brgy. San Francisco sa bayang ito.

Hindi nakuhang makapalag ni Arnel Estiller, alyas Ka Ramsey, kumander ng kilusang Larangan ng Guerilla na nakabase sa Sorsogon.

Sa ulat ni 2Lt. Ronalson Cutillan ng 2nd Infantry Battalion, naganap ang engkuwentro bandang alas-5:30 ng hapon matapos na iwanan ng mga nagsitakas na kasamahan si Estiller dahil sa napaligiran na ng militar ang kinaroroonan ng rebelde. (Ulat ni Ed Casulla)
Lolo tinigok ng pulis-Caloocan
MALOLOS, Bulacan — Nahaharap sa kasong murder ang isang pulis-Caloocan matapos na pagbabarilin hanggang sa mapatay ang isang 60-anyos na lolo sa loob ng bahay ng matanda sa Brgy. Frances, Calumpit, Bulacan noong Linggo ng gabi, Agosto 11, 2002.

Napatay sa Bulacan Provincial Hospital ang biktima na si Ernesto B. Bernardo, samantala, ang suspek na ngayon ay pinaghahanap ay nakilalang si SPO1 Nelson Ombao, 40, ng presinto 1 ng Caloocan City police station.

Ayon sa ulat ng pulisya, sa hindi nabatid na dahilan ay biglang pumasok sa bahay ng biktima ang suspek na pinaniniwalaang lango sa droga na ikinairita ng matanda hanggang sa magtalo ang dalawa na nauwi sa krimen.

Sinabi ni P/Sr. Supt. Edgar Acuña, Bulacan PNP provincial director na sasampahan din ng kasong obstruction of justice ang dalawang kapatid ni Ombao na sina Dalisay Satiano Ombao, 42, at Marieta Swing Ombao, 29, dahil sa pagkupkop sa kanilang utol na suspek sa Brgy. Frances. (Ulat ni Efren Alcantara)
Engkuwentro: Wanted patay, pulis grabe
DASMARIÑAS, Cavite — Isang 30-anyos na lalaki na wanted sa kasong murder ang iniulat na napatay, samantala, isang pulis naman ang malubhang nasugatan matapos ang naganap na engkuwentro sa Brgy. Salitran 3 sa bayang ito kamakalawa ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang napatay na wanted na si Ronaldo Domingo, alyas Randy Domingo, binata, samantala, ang nasa kritikal na kondisyon ay nakilalang si SPO1 Arnel Mendoza na nakatalaga sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus, Cavite.

Naganap ang pangyayari dakong alas-2:45 ng hapon habang nagsisilbi ng warrant of arrest ang grupo ni Mendoza kay Domingo ngunit sa halip na sumuko ay nakipagbarilan ito sa mga pulis. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)
2 turista ninakawan sa Boracay beach
CAMP CRAME — Dalawang turistang Israeli nationals ang iniulat na ninakawan ng mga hindi kilalang kalalakihan ng malaking halaga, partikular na ang kanilang pasaporte, plane tickets, camera at iba pang personal na gamit habang naliligo ang mga biktima sa beach ng Boracay, Aklan kamakalawa ng gabi.

Mistulang pulubi sina Sigura Yael, 29, at Wental Uri, 24, pansamantalang nanunuluyan sa Mabini’s Place sa Boracay Island, Malay, Aklan.

Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang pandurugas dakong alas-6:25 ng gabi matapos na tiyempuhan ng mga hindi kilalang kalalakihan na naliligo sa dalampasigan ang dalawa. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments