Ang mga kinasuhan ay sina Mayor Librado Cabrera, ang asawa nitong si ex-Mayor Fe Cabrera at si Councilor Luther Leonor.
Sa nakalap na impormasyon, kinasuhan si Mayor Librado Cabrera at ang kanyang asawa dahil sa paglabag sa Republic Act 3019 o Anti Graft and Corrupt Practices Act tungkol sa illegal na reimbursement na umanoy travelling expenses ng mag-asawa sa labas ng bansa na umabot sa P170,987.66 simula noong Agosto 31, 1998 hanggang Setyembre 1, 1999, base sa isang special audit report ng Commission on Audit Region Office IV.
Wala umanong pahintulot si Batangas Governor Hermilando Mandanas sa paglalakbay ng mag-asawa at walang kaukulang travel authority. Lumabas sa report ng COA na nagkaroon ng sabwatan ang mag-asawa upang maibalik sa kanila ang halagang kanilang ginastos. Pineke pa umano ng mag-asawa ang lagda ni Gov. Mandanas na nagbibigay ng pahintulot sa dalawa upang maglakbay sa ibang bansa at maibalik sa kanila ang halagang kanilang ginastos.
Sa kaso naman ni ex-Mayor Fe Cabrera, lumitaw sa audit report na idineposito nito sa kanyang personal bank account sa Philippine Savings Bank, Lemery Branch (Acct. No. 1818010393) ang halagang P171,955.72 na dapat sana ay ipambabayad sa ibat ibang supplier ng naturang lalawigan. Nagkaroon din ng anomalya sa pagbili ng mga gamot sa halagang P1,513,513.02 sa Diamond Laboratories, Inc. na pag-aari ng mga kamag-anak ni Librado Cabrera na sina Roberto Cabrero Jr., Profitiza Cabrera, Edrich Cabrera, Roberto Cabrera III at Jayson Paul Cabrera.
Ang naturang transaksyon ay hindi dumaan sa public bidding ayon sa COA report.
Si Councilor Luther Leonor naman ay idinawit din sa kaso dahil siya umano ang nagsilbing taga-encash ng mga naturang tseke na idineposito ng mag-asawa sa kanilang bank account. (Ulat ni Butch Quejada)