Sinabi ni Customs Police District chief Capt. Elpidio Manuel, kabilang sa mga nakumpiska ay dalawang Toyota Tercel at Mitsubishi Chariot, apat na bagong speed boat at Jetski Yamaha na kapwa nakapaloob sa tatlong container van.
Napag-alaman na ang tatlong container van ay nagmula sa Japan na inimport ng New Wave Transport at dumating sa Port of Subic noong Abril 9, 2002 sakay ng barkong M/V New Confidence Voyage.
Lumalabas na idineklarang "condition parts" lamang sa in-ward manifest ang naturang kargamento subalit napag-alaman na pawang mga mamahaling sasakyan ang nakapaloob sa tatlong container van.
Bunga nito ay isang "alert status" ang ipinalabas sa nasabing mga kontrabando upang masusing manmanan dahil sa nakuhang intelligence report na tangkang ipuslit ng Freeport ang kontrabando na may halagang P28 milyon buwis ang ibabayad. (Ulat ni Jeff Tombado)