RP Ambassador todas sa kuryente

SAN FERNANDO CITY, La Union – Pinalalagay na short circuit sa linya ng kuryente na dumikit sa tubo ng tubig ang naging dahilan upang makuryente at mamatay ang isang RP Ambassador sa Iraq habang naliligo sa shower room sa tinutuluyang bahay sa bayang ito noong Sabado ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Ambassador Ernesto Castro, 52, dating deputy chief of mission sa Tokyo, Japan at kasalukuyang naninirahan sa #2 Beach Homes III, Lungsat sa lungsod na ito.

Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang pangyayari dakong alas-3:30 ng hapon habang naliligong mag-isa sa kanilang banyo ang biktima.

Nagawa namang i-off ang main switch ng pamangking si Zenon Malaga upang mailigtas ang biktima ngunit hindi na umabot pa ng buhay sa Lorma Medical Center.

May palagay ang pulisya na dumaloy ang kuryente sa tubig na pinagliliguan ng biktima kaya naganap ang trahedya. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments