Base sa ulat ni P/Sr. Supt. Sangacala Dampac, Cotabato PNP provincial director, sinalakay ng mga pekeng pulis ang isa sa bahay ni Maguindanao Mayor Salipongan Dagloc dahil sa pag-aakalang siya ay nasa loob ng bahay ng kanyang unang asawa.
Ngunit natulog si Mayor Dagloc sa ikalawang asawa na hindi alam ng mga mamamatay-tao.
Sa unang bugso ng putok ay namatay kaagad si Ging-ging Baludan, samantala, malubhang nasugatan naman ang anak ni Mayor Dagloc na si Datu Sebastian, isang alyas Johanna at isang hindi pa nabatid ang pangalan.
Base sa ulat ng pulisya, tinungo ng mga pekeng pulis ang bahay ni Mayor Dagloc sa pag-aakalang naroon siya kaya mabilis na hinalughog ang buong kabahayan.
Sa pag-aakala ng mga mamatay-tao na nasa loob ng kuwarto si Mayor Dagloc dahil sa may narinig na boses ay kaagad na binistay ng bala ngunit lumalabas na si Buladan ang napatay.
Dahil sa malalakas na putok ay nagising naman si Datu Sebastian at kinuha ang kanyang baril saka nakipagpalitan ng putok laban sa mga pekeng pulis hanggang sa magsitakas matapos na matunugang paparating na ang mga nagrespondeng tunay na pulis.
Sinabi ni Mayor Dagloc na maaring mag-asawa ng hanggang apat ang isang Muslim dahil ito ang pinaiiral na batas ng kanilang relihiyon. (Ulat ni John Unson)