Magulang kinatay ng sariling anak

CAMP VICENTE LIM, Laguna – Pinagtataga hanggang sa mapatay ang mag-asawang matanda ng sariling anak na nawala sa katinuan habang ang dalawa ay namimitas ng prutas at gulay sa liblib na bukiring sakop ng Brgy. Tuy, Liliw, Laguna kamakalawa.

Halos humiwalay ang ulo sa katawan at nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktimang sina Teodolo, 62 at asawang si Petra Crispin, 65, ng naturang lugar.

Samantala, ang suspek na ngayon ay tinutugis ng pulisya ay nakilalang si Isagani Crispin, 27, kalalabas pa lamang sa National Hospital for Mental Patient.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang krimen bandang alas-3:30 ng hapon habang namimitas ng mga prutas at gulay na ititinda ng mag-asawang matanda.

Biglang sumulpot ang suspek at sa hindi maipaliwanag na dahilan ay pinagtataga ang kanyang magulang hanggang sa mapatay.

Ayon sa pulisya, umuwi pa ng bahay ang suspek na hawak ang duguang itak at sinabi pa sa kanyang kapatid na "brod, may pinatay akong aso", sabay na tumakbo papalabas ng kanilang bahay.

Dahil dito ay kinutuban na ang kapatid na lalaki ng suspek kaya nagmamadaling tinungo ang kinaroroonan ng kanyang mga magulang at laking gulat nito ng bumulaga ang bangkay ng dalawang matanda.

Tinabunan pa ng dahon ng saging ang duguang bangkay ng ama at ang ina naman ay isinilid sa sako. (Ulat nina Arnell Ozaeta/ Danilo Garcia)

Show comments