Sinabi ni P/Sr. Supt. Edgar Acuña na ang ginawang pag-aresto sa mga suspek na sina Ryan Gamboa, 18, Jayson Viola, 19, Joseph Silva, 18 at Gabriel Prestosa, 15 sa Brgy. Tabe, Guiguinto at sa bayan ng Balagtas, Bulacan ay bunsod ng isang nakasaksi sa pangyayari.
Kinilala naman ni P/Sr. Insp. Joselito Sta. Teresa, hepe ng Guiguinto PNP station, ang biktimang si Rosalie Joy Sioson, 17, Med-Tech student sa Fatima College of Medicine na natagpuan ng ilang residente ang bangkay ni Sioson na nakabitin sa isang sanga ng puno malapit sa fishpond ng Brgy. Bulihan, Plaridel, Bulacan.
Sa isinumiteng ulat kay Acuña, may palatandaan na ang biktima ay pinahirapan muna saka ginahasa bago pinagtulungang patayin ng mga suspek na adik sa droga.
Sa pahayag ng ama ng biktima sa pulisya, si Joy ay papauwi na noong Biyernes ng gabi mula sa eskuwelahan sa Valenzuela saka sumakay ng trike na minamaneho ng isa sa mga suspek bago umangkas naman ang tatlo pa sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Brgy. Tukyukan sa Guiguinto, Bulacan.
May palagay ang pulisya na marami pang ginahasang estudyante ang mga suspek na pawang lango sa droga kaya napagtripan ang dalaga na gawan ng maitim na balak bago patayin.
Nagpapasalamat naman ang ama ng biktima sa mga tauhan ni P/Sr. Supt. Edgar Acuña sa pagkakadakip sa mga suspek. (Ulat ni Efren Alcantara)