3 nasawi sa road mishaps

CAMP MAKABULOS, Tarlac – Tatlo katao ang iniulat na nasawi sa magkahiwalay na road mishap sa kahabaan ng MacArthur Highway sa bayan ng Panique at Gen. Emilio Aguinaldo Highway sa Imus, Cavite noong Lunes at kahapon ng tanghali.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Feliciano Magaoay, 54, empleyado sa munisipyo ng Geroma; Eddie Fernandez, Sr. ng Del Rosario Street, Angeles City, Pampanga at si Louila Garcia, 47, may asawa ng 255 Anabu 2, Imus, Cavite.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, si Magaoay na nagmamaneho ng L-300 van ay sumalpok sa kasalubong na truck sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Brgy. Apulid, Panique.

Samantala, si Fernandez na sakay ng Volkswagen na minamaneho ni Amario ay sumalpok sa trailer truck sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Brgy. Lourdes, Bamban. Grabeng nasugatan si Amario at pasaherong si Jason Rivera ng Dapdap resettlement site sa Bamban. Si Garcia naman ay sinalpok ng Mitsubishi L-200 pick-up (TNG-425) habang tumatawid sa kahabaan ng Aguinaldo Highway sa Brgy. Anabu, Imus, Cavite.

Dinakip ang driver na si Allan Delangon ng Block 42, Lot 18 South City Homes, Biñan, Laguna dahil sa naganap na sakuna bandang alas-12:30 ng tanghali. (Ulat nina Benjie Villa at Cristina Timbang)

Show comments