3 nilikida, sinunog ng NPA

GUINAYANGAN, Quezon – Tatlo katao kabilang ang 10-anyos na batang lalaki ang pinagbabaril at pinagtataga saka sinunog ng mga hindi kilalang kalalakihan na pinaniniwalaang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) habang ang mga biktima ay nagluluto ng kopra sa Brgy. Villa Hiwasaya sa bayang ito noong Biyernes ng madaling-araw.

Sa naantalang ulat ng pulisya, nakilala ang mga biktimang sina Armando Lumibao, 21; Aldrin Garcia, 20 at kapatid nitong si Zoren Garcia, 10 na pawang may-ari ng niyugan sa nabanggit na barangay.

Nabatid sa nakalap na impormasyon ni PO3 Samson Ricafrente, isinagawa ang krimen bandang alas-2 ng madaling-araw habang abala ang tatlo sa pagluluto ng kopra sa likurang bahagi ng kanilang bahay.

Ayon sa ilang kalapit na kapitbahay ng mga biktima, nakarinig sila ng sunud-sunod na putok ng baril sa kinaroroonan ng mga biktima subalit sa takot na madamay ay minabuti na lamang na ipagpaumaga na ang pagpunta.

Ganap na alas-9 ng umaga nang magtungo sa bahay ng mga biktima ang ilang residente upang mag-usisa at nakita ang tatlo na sunog ang buong katawan.

May palatandaan din ang bangkay ng mga biktima na pinahirapan bago sinunog na pinalalagay ng pulisya na pinagkamalang mga asset ng pulisya ng militar. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments