Malaysian investors umurong!

DAVAO CITY – Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay umurong ang isang grupo ng mayayamang negosyante mula sa Malaysia na magtatayo ng oil palm plantation sa Arakan Valley Complex sa North Cotabato.

Sinabi ni Leo Suan, executive secretary ni North Cotabato Governor Emmanuel Piñol, ang proyektong pagtatayo ng nabanggit na plantasyon ng Nova Grain, Inc. na may tanggapan sa bansa ay napaulat na hindi na interesadong isulong ang kanilang plano na makapagtayo ng pabrika ng oil palm.

Ayon pa kay Suan, aabot sa halagang P3 bilyon ang proyekto ng Nova Grain, Inc. kapag naituloy ang pagtatayo ng oil palm plantation na matatagpuan sa naturang lugar na nasasakupan ng bayan ng Antipas, Arakan, Matalam at President Roxas sa North Cotabato.

Tinatayang aabot din sa 15,000 katao ang makikinabang na manggagawa kapag may palm oil processing facility sa nabanggit na lugar.

Ang naturang plantation projects ay bahagi ng investment agreements na nilagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang pagbisita sa Kuala Lumpur, Malaysia noong nakalipas na taon.

Inaasahan naman ni Governor Piñol na magbabago ang desisyon ng naturang investors at maipagpapatuloy ang oil palm plantation sa nabanggit na lugar.

Gayunman, hindi binanggit ni Suan ang pangalan ng Malaysian investors dahil sa represented ng Phil. based Nova Grain firm. (Edith Regalado)

Show comments