Barangay Captain niratrat habang lumalaklak

CAMP OLIVAS, Pampanga — Hindi na nagawa pang ubusin ng isang barangay captain ang isang serbesa makaraang pagbabarilin at mapatay ng limang hindi pa nakikilalang lalaki sa Barangay Baliti, Arayat, Pampanga, kamakalawa ng hapon.

Namatay noon din dahil sa maraming tama ng bala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na nakilalang si Reynaldo Puno, 34, residente at brgy.chairman ng Barangay Baliti, Arayat.

Sa pagsisiyasat ng Arayat-PNP, alas-5 ng hapon ay masayang nakikipag-inuman ang biktima sa mga kaibigan nito nang isang kulay asul na Kia Besta Van na may plakang UMH-510 ang huminto at nagsibabaan ang limang naka-bonnet na kalalakihan na armado ng matataas na uri ng baril.

Mabilis na pumanhik ang mga suspek sa lugar na pinag-iinuman ng biktima at walang sabi-sabing pinagbabaril hanggang sa mapatay ang biktima. (Jeff Tombado)

Show comments