Napatay sa 15-minutong shootout ay nakilalang sina Pfc. Genet Bacanto, tumatayong back-up ng NBI; Perla Pasuquin na nagdala ng pera bilang ransom at ang suspek kidnaper na si Dindo Salazar.
Nailigtas naman ng mga awtoridad ang kinidnap na Manila doctor na si Madelyn Irada.
Ayon sa ulat ng NBI, naganap ang pangyayari dakong alas-2 ng hapon sa PLDT public calling station na 200 metro lamang ang layo sa himpilan ng pulisya at gusali ng munisipyo.
Habang nakikipagnegosasyon si Salazar kina Pasuquin at isang ahente ng NBI na nagpanggap na anak ay namataan ng suspek na may mga kasamang armadong kalalakihan ang dalawa sa hindi kalayuan.
Isa sa mga sundalo na nasa loob ng van na 10 metro lamang ang layo mula sa kinatatayuan ni Salazar ang nakasaksi na binaril sa ulo si Pasuquin kaya mabilis na nagsilabasan ang mga ahente ng NBI at ilang militar mula sa loob ng sasakyan.
Kaagad namang binaril at napatay ni Cpl. Pagayon si Salazar dahil sa pagkakabaril kina Pasuquin at Bacanto, gayunman, ilang minuto pa lamang nakalilipas ay biglang lumabas ang asawa ni Dindo na si Marivic na may hawak na 2 granada na ihahagis sana sa mga awtoridad subalit napigilan naman ni Mayor Ricardo Castro Jr. na ayon sa NBI ay pinsan naman ng suspek.
Ang naganap na rescue operation ay bunsod ng impormasyong ibinigay ng kasambahay ng biktimang doktor sa mga awtoridad noong Mayo 14 na humihingi ang suspek ng halagang P120,000 mula sa pamilya ni Irada. (Ulat ni Leo Solinap)