Sekyu todas sa magnanakaw

DAET, Camarines Norte – Binaril at napatay ang isang security guard ng Happy Homes Subdivision makaraang magresponde sa naganap na nakawan sa bahay ng isang Bombay sa Brgy. Pamorangon sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Miguel Hernandez, 31 ng Brgy. Mancruz-Daet at sekyu ng Platton Security Agency. Samantala, isa sa tatlong magnanakaw na nadakip ay nakilalang si Rubendor Locre, 24 ng Mercedes town.

Sa imbestigasyon ni SPO4 Antonio Aguilar, naganap ang krimen dakong alas-9 ng gabi matapos humingi ng tulong ang kasambahay ni Lorna Singh, 32 na may mga magnanakaw na pumasok sa kanilang bahay kaya mabilis namang nagresponde ang biktima subalit sinalubong ni kamatayan. (Francis Elevado)

Show comments