3 bagets lunod sa beach

Tatlong kabataang bakasyunista ang iniulat na nasawi matapos na malunod habang naliligo sa isang beach sa Sitio Pinaglunaran, Brgy. Aguit-it, Vinzon, Camarines Norte kamakalawa ng umaga.

Idineklarang patay sa Labo District Hospital sina Juliet Bundallan, 18; Noime Jane Adan, 17 at Ma. Cristina Damaso, 19 na pawang residente ng Bicutan, Parañaque City, Metro Manila.

Sa ulat ng pulisya, ang mga biktima ay pawang mga kolehiyala at sumamang magbakasyon sa kaklase upang makapagpahinga ngunit lingid sa kanila ay nakaamba ang kalawit ni kamatayan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, magkakasamang naliligo ang mga biktima bandang alas-11 ng umaga.

Pinalalagay ng pulisya na inabot ng pulikat ang tatlo at hindi na nakaya pang lumangoy sa mababaw na lugar ng beach.

Namataan naman ng ilang kasamahan ang tatlo na humihingi ng saklolo subalit idineklarang patay na sa naturang ospital. (Ed Casulla at Francis Elevado)

Show comments