Driver hindi nakaya nang kalasan ng nobya nagbaril sa bibig

ANGONO, Rizal – Saksi sa gimbal na kamatayan ang isang dalaga nang mag-suicide sa pamamagitan ng pagbaril sa bunganga ang kanyang kasintahan matapos na ihayag niya ang tangkang pakikipagkalas dito, kamakalawa sa bayang ito.

Halos tulala pa at bahagyang nakuhanan ng pahayag si Hazel Marison, 20, ukol sa pagpapakamatay ng kanyang boyfriend na si Enrico Granaderos, 30, driver at residente ng Circumferential Road, Brgy. San Roque, Antipolo City.

Sa ulat ni PO3 Dominador Bautista, naganap ang pangyayari dakong alas-7 ng umaga sa may Yupengco dumpsite, Sitio Tibagan, Brgy. Mahabang Parang sa bayang ito.

Sinabi ni Marison na inihinto ng kanyang nobyo ang sinasakyan nilang Tamaraw FX (FXZ-896) at masinsinang nag-usap ukol sa kanyang pakikipagkalas dito na hindi naman nito binanggit kung ano ang dahilan.

Lumuluhang nakiusap pa umano sa kanya si Granaderos na huwag ituloy ang pakikipag-break dahil sa mahal na mahal siya nito ngunit naging matigas ang kanyang desisyon.

Nanakot pa ang biktima na magpapakamatay habang itinututok ang baril nitong kalibre .45 sa ulo ngunit hindi rin niya pinakinggan sa akalang hindi nito tototohanin. Dito na siya nagulantang nang tuluyang paputukin ng biktima ang baril sa kanyang bunganga. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments