Sinabi kahapon ni Palimbang Mayor Labualas Mamansual na lubhang naapektuhan ang ginagawang rescue operations ng pamahalaan sanhi ng paniniguro ng ilang Koreanong negosyante na handa umano nilang bayaran ng P20-milyong ransom ang mga kidnappers.
Napag-alaman pa na nakipagkita diumano ang mga Koreano kay Abdullah Tungko alyas commander Tropical, pinaniniwalaang lider ng kidnap gang, sa Cotabato City noong nakaraang linggo.
Tiniyak diumano ng mga negosyanteng Koreano, na kasalukuyang nagtatrabaho sa isang South Korea-based construction firm sa Davao City, kay Tropical na kaya nilang kumalap ng P20-milyon para mapalaya si Yoon.
Lubhang naapektuhan na ang efforts natin upang mapalaya ang hostage sa offer ng mga taong ito na magbibigay sila ng ransom, ani Mamansual na siyang pinuno sa binuong negotiating panel ni Presidential Assistant for Mindanao Jesus Dureza.
Sinabi ni Mamansual na sinusunod pa rin ng kanyang grupo ang patakarang pinaiiral ng pamahalaan na no ransom policy" at buo pa rin ang loob nito na mapapalaya si Yoon na walang ransom na ibabayad sa mga kidnappers.
Matatandaan na si Yoon at kanyang Filipino business partner na si Carlos Belonio ay dinukot noong Pebrero 6 ng mga hinihinalang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front sa pamumuno ni Commander Tigre Jakiri sa hangganan ng Maitum, Sarangani at Palimbang, Sultan Kudarat.
Si Belonio ay pinalaya ng mga kidnappers matapos ang 51-araw na pagkakakupkop sa Malapatan, Sarangani matapos ang negosasyong isinagawa ng grupo ni Mamansual.
Ayon sa mga awtoridad si Yoon ay pumasok sa bansa noong 1999 na walang dokumento at hindi nakatala sa South Korean Embassy sa Manila na dahilan umano kung bakit parang ayaw makialam ng mga opisyal ng Korean Embassy. (Ulat ni Boyet Jubelag)