Sinabi ni Avelino Fortuna, deputy commander ng 5th Coast Guard District na ang tuluy-tuloy na pagbomba ng tubig sa loob ng M/V Maria Carmela ay siyang naging dahilan ng paglubog ng barko dahil sa napuno ng tubig.
Ipinahayag pa ni Fortuna na ang Lucena BFP ay kusang nag-alok ng kanilang tulong na maapula ang apoy sa loob ng barko at hindi nito inalintana na babaha ng tubig.
Ayon pa kay Fortuna, nagsimula ang operasyon ng Lucena BFP sa pamumuno ni Insp. Jose Imbang, Jr. na may dalang walong pails ng dry chemicals dakong ala-una ng madaling-araw ng linggo sakay ng M/V Sophia na pag-aari ng Montenegro Shipping Lines.
Napag-alaman pa sa ulat ng Coast Guard na umabot ng sampung oras ang pagpatay ng oil fire bago lumubog ang barko ngunit kung susuriing mabuti ay aabot lamang sa 10 minuto bago makunsumo ang walong pails ng dry chemical na katumbas ng 11,000 liters of water.
Sinikap namang makontak ng PSN si Imbang upang magbigay ng pahayag subalit hanggang sa kasalukuyan ay walang makapagsabi kung nasaan ang naturang opisyal. (Ulat nina Arnell Ozaeta at Tony Sandoval)