Ang naturang pabuya ay inihayag noong linggo matapos na ratratin hanggang sa mamatay sina P/Sr. Insp. Jose Valdez, 55; SPO2 Zosimo Jocson, 51; SPO1 Emmanuel Arce, 49 at traffic enforcer Fortunato Culianan, 38, ng sampung mandurugas habang nasa loob ng Police Community Precinct sa panulukan ng Brgy. Poblacion.
Ang tatlong pulis ay nakatalaga sa Meycauayan PNP na nagtangkang magresponde sa naganap na nakawan sa NL jewelry store sa gusali ng Marian bandang ala-1:45 ng tanghali.
Napag-alaman sa mga nakasaksi sa pangyayari, ang mga suspek ay nahati sa dalawang grupo na pinaniniwalaang isang nagngangalang Jojo Arnan, ang lider.
Ang unang grupo ang pumasok at tumangay ng halagang P10 milyong jewelry at pera, samantala, ang ikalawang grupo naman ang nagsagawa ng pagpatay sa tatlong pulis at traffic enforcer.
Inihayag ni P/Sr. Supt. Edgardo Acuña, Bulacan PNP provincial director na round the clock ang isinasagawang manhunt operations laban sa grupo ni Jojo Arnan na pawang nakasuot ng Camouflage pants at t-shirts na may mga dalang M14 at M16 armalite rifles. (Ulat ni Efren Alcantara)