Driver nagulungan ng minamanehong truck, patay

KAMPO HEN. ALEJO SANTOS, Bulacan – Isang driver ang napaulat na nasawi makaraang magulungan nang minamanehong dump truck ng kanyang helper sa kahabaan ng Gen. Alejo Santos Highway, Brgy. Talampas, Angat, Bulacan kamakalawa ng hapon.

Pisak ang ulo ni Alexander Eduardo, 32, may asawa ng Plaridel, Bulacan, samantala, ang helper ng biktima na ngayon ay sinisiyasat ng pulisya ay nakilalang si Nilo Gajo, 32, ng nabanggit ding barangay.

Napag-alaman sa ulat ng pulisya na habang minamaneho ng biktima ang isang dump truck ng buhangin (ULH-989) ay nakarinig ito ng ingay sa ilalim kaya pinaubaya sa helper ang pagmamaneho.

Habang tumatakbo ng mahina ay sinisilip naman ng biktima ang ilalim ng truck ngunit nakabitiw ito sa pagkakahawak sa gilid ng sasakyan kaya nagulungan ng likurang gulong na ikinasawi nito. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments