Wedding ring ni Ninoy sa museum ninakaw

CAMP OLIVAS, Pampanga – Hindi na pinatawad ng mga mandurugas na nakawin ang pinakaiingatang wedding ring ni dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino, Jr. at gold coin na naka-display sa loob ng museum ng Hacienda Luisita sa Barangay San Miguel, Tarlac City noong Lunes.

Nadiskubre ang pagkawala ng wedding ring ni "Ninoy" bandang alas-9 ng gabi habang nagsasagawa ng inspection sa nabanggit na museum ang isang security guard na si Enrique Manalo.

Kaagad namang pinagbigay alam ni Manalo sa pulisya ang pagkawala ng wedding ring na nakalagay sa assassination area ng museum.

Nauna dito, dakong alas-2 ng hapon nang napansin din ni Gregorio Ebrio, 30, isang janitor ng Barangay Pando, Tarlac City, ang pagkawala ng Aquino-Reagan Presidential Gold Coin na nakalagay naman sa dating Pangulong Cory Aquino area.

Kaagad namang nagsagawa ng masusing imbestigasyon at nagpakalat na ng mga tauhan si P/Sr. Supt. Mario Sandiego, Tarlac PNP Provincial Director upang mangalap ng impormasyon sa naganap na nakawan. (Ulat ni Ric Sapnu)

Show comments