2 lalaki sinalvage sa Cavite

CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite – Dahil sa hindi masugpo ng Cavite PNP ang lumalalang summary execution ng mga inosenteng mamamayan sa kasalukuyan ay muli namang natagpuan ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na pinaniniwalaang sinalvage sa magkahiwalay na lugar sa Brgy. Salawag, Dasmariñas at Brgy. Pasong Camachile, General Trias, Cavite kamakalawa.

Sa ulat ng pulisya, natagpuan ang bangkay ng hindi kilalang lalaki na may edad 25-30, may taas na 5’4 at maayos ang pangangatawan bandang alas-5:30 ng madaling-araw sa open canal ng Brgy. Pasong Camachile na may tama ng bala ng baril sa ulo at may palatandaang pinahirapan muna saka pinatay.

Ang ikalawang bangkay ay may edad 25-28 na may mahabang buhok, nakasuot ng kulay pulang t-shirt, itim na short at may silver ring sa magkabilang kamay.

Ang biktima na pinaniniwalaang trike driver ay tadtad ng saksak ng patalim sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay natagpuan dakong alas-7 ng umaga sa loob ng Sta. Lucia Subd., Brgy. Salawag, Dasmariñas, Cavite. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments