P400-M bangus inatake ng peste

BOLINAO, Pangasinan – Tinatayang aabot sa halagang P400 milyong bangus na inaalagaan sa 200 fishcages ang inatake ng peste na nagsimula pa noong Biyernes.

Sinabi ni Bolinao Mayor Jesus Celeste na ang pag-atake ng peste na nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong bangus ay nagsimula sa Bolinao Bay saka pumasok patungong Kakiputan Channel na pinaglalagyan ng mga isda.

"Karamihan sa mga nakalutang at patay na bangus ay tumitimbang ng 500 grams bawat isa at handang ipagbili sa palengke," ani Celeste.

Subalit ilan sa mga fishcage operators na maagang naka-harvest ng kanilang bangus ay kaagad na naipagbili sa iba’t ibang lugar pero ang 200 toneladang isda ay kasalukuyang nabubulok na dahil na rin sa kakulangan ng supply ng yelo sa kanilang lugar.

Dagdag pa ni Mayor Celeste na ang kanilang bayan ang pangunahing supplier ng bangus sa Malabon at Navotas na umaabot sa 50 hanggang 100 tonelada ng isda bawat araw.

Nabatid naman kay Atty. Virgilio Solis, provincial administrator at isa ring fishcage operator na kakulangan umano ng oxygen sa ilalim ng tubig at overuse ng fertilizer feeds at overstocking ang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng libu-libong bangus.

Sinabi pa ni Solis na ilan sa fishcage operators ang gumagamit ng pumps bilang substitutes sa oxygen upang mapanatiling buhay ang kanilang alagang bangus ngunit kinakapos pa rin.

Sa kasalukuyan ay humingi na ng tulong si Solis sa UP Marines Science Institute at sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na magsagawa ng malalim na pagsusuri sa naganap na phenomenon.

"Masyadong bumabaho na ang simoy ng hangin sa ngayon," dagdag pa ni Solis. (Ulat ni Eva De Leon)

Show comments