Pinaghahanap na ngayon ng Antipolo police ang suspek na tinago sa alyas "Jovy", nasa edad 20-22, habang hindi pa nakikilala ang dalawa niyang kasamahan na pawang mga residente rin ng Sitio Dalig 1, Brgy. Dalig, ng lungsod na ito.
Ayon kay Supt. Jose Dayco, hepe ng Antipolo police, nakilala ang suspek matapos na makita ng isang 14-anyos na dalagitang kapitbahay ng mga biktimang sina Jasmine Baylon, 22; at Agnes, 26, ang suspek na si Jovy noong gabi bago matagpuan ang bangkay ng dalawa kamakalawa ng umaga.
Sinabi ng mga kapitbahay ng mag-ateng Baylon na ilang beses na umano nilang nakitang aali-aligid ang suspek sa bahay ng mga biktima. Nakipag-usap pa umano ito sa biktimang si Jasmine na iurong ang isinampa nitong kasong robbery hold-up sa pulisya matapos na hablutin nito ang kanyang cellphone noong nakaraang Disyembre.
Sa pagtatanong sa mga kaptibahay, nakilala ni Jasmine ang suspek na kalugar lamang niya at kinasuhan sa pulisya. Hindi naman pumayag ang biktima na magpaareglo sa suspek kaya nauwi ito sa pagbabanta ni Jovy na reresbak.
Ang naturang cellphone naman ang tinatawagan ng kasintahan ni Jasmine na si Arnold Jaurigue, 27, ngunit dahil sa walang sumasagot at wala ring reply sa kanyang text ay nagpasya itong personal na puntahan ang bahay ng magkapatid kaya nadiskubre ang trahedyang sinapit ng mga biktima. (Ulat ni Danilo Garcia)