NPA's sasalakay dahil Rodriguez sanitary landfill

RODRIGUEZ, Rizal – Nasa "full red alert status" ngayon ang buong kapulisan ng Rizal dahil sa bantang sunud-sunod na pag-atake ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) partikular na sa bayang ito dahil sa pagbubukas ng landfill sa nasabing bayan na mariing tinututulan ng mga residente.

Kinumpirma ni P/Sr. Insp. Anastacio Benzon, hepe ng Montalban police, nakatanggap sila ng intelligence report sa nalalapit na pag-atake ng mga NPA sa kanilang bayan dahil sa pagsalungat din ng mga ito sa pagbubukas ng landfill.

Sa kabila nito, sinabi ni Benzon na naghanda na umano ang puwersa ng pulis partikular na sa pagbabantay sa mga pumapasok na trak ng basura sa landfill sa Sitio Lukutang Maliit sa Brgy. Isidro at sa kabayanan upang mapigilan ang paghahasik ng lagim ng mga residente.

Pinangangambahan rin ang pagsalakay ng mga rebelde sa mga trak ng basura at panununog sa mga ito upang takutin ang mga contractors na huwag pumasok sa bayan.

Posible rin umano ang pagdukot sa mga opisyales ng lokal na pamahalaan partikular na si Mayor Pedro Cuerpo na siyang pangunahing nagsulong at nag-alok pa sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa paggamit sa kanilang bayan bilang tapunan ng basura ng Metro Manila.

Matindi naman itong tinutulan ng mga NGO’s na binubuo ng mga residente ng bayan na nagsasagawa ng piket ngunit hindi rin napigilan ang pagpasok ng mga trak dahil sa ibinigay na seguridad ng mga pulis. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments