Jueteng operator todas sa ambush

May posibilidad na onsehan sa sugal na jueteng ang naging kamatayan ng isang pinaniniwalaang ‘big time gambling lord’, samantala, ikinasugat naman ng malubha ng kasamang negosyante makaraang tambangan habang nagbibisikleta sa kahabaan ng Caritan Sur, Tuguegarao City, Cagayan kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Bienvenido de Guzman, alyas Anchong at kilalang gambling lord sa Cagayan Valley Region. Samantala, nakilala naman ang negosyanteng si Celso Vinarao na kasamang nagbibisikleta ni Anchong patungong grandstand ng naturang lugar.

Base sa ulat mula sa Camp Crame, naitala ang pananambang sa dalawa bandang alas-4 ng madaling-araw makaraang harangin ng dalawang hindi kilalang armadong lalaki sakay ng motorsiklo na walang plaka.

Bago naganap ang pangyayari, masayang naghuhuntahan ang dalawang biktima habang magkasabay na nagbibisikleta sa kahabaan ng nabanggit na lugar nang harangin ng mga killer. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments