Delivery boy ng RCBC binaril sa mata ng 3 holdaper

GENERAL TRIAS, Cavite – Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang isang delivery boy ng RCBC makaraang holdapin at barilin sa mata ng tatlong hindi kilalang mandurugas saka itinapon at natagpuan sa madamong lugar sa Brgy. Panungyanan ng bayang ito kahapon ng hapon.

Ang biktima na ngayon ay nasa Andres Bonifacio Hospital ay nakilalang si Regalado Dayrit, 32, may asawa at residente ng 386 Alapan, Imus, Cavite.

Si Dayrit ay sakay ng motorsiklo at bumabagtas sa kahabaan ng Brgy. San Roque, Naic, Cavite nang biglang harangin ng mga holdaper na sakay ng pulang kotse na walang plaka dakong alas-12 ng hapon.

Sa inisyal na ulat ni SPO1 Roberto Lansaga, may hawak ng kaso, isinakay ang biktima sa kotse bago kinuha ang kanyang cellphone at pera.

Sa hindi nabatid na dahilan ay binaril sa mata ang biktima na tumagos naman sa sintido akala ng mga killer ay patay na ito kaya itinapon na lamang sa nabanggit na lugar. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments