Base sa natanggap na report ni Supt. Benjie Belarmiño, Operation and Planning Chief, nakilala ang mga nasawing sina Christine Quevedo, 21, residente ng Taytay, Rizal; Symone Dunacao, 21, ng Barangay Bolo-Bolo, Pililia, Rizal; Karen del Cruz, 22, ng Quezon City at Rowan Labo, 24, tubong Sorsogon na pawang estudyante ng University of the Philippines, Los Baños, Laguna at kumukuha ng kursong Biology.
Ang labi ng bangkay ni Quevedo ay natagpuang nakalutang sa baybayin ng dagat ng Sitio Matoud, Barangay Binobosan, Lian, Batangas noong araw ng Kapaskuhan, samantalang si Dunacao ay namataan ang labi nito sa dagat ng Barangay San Diego.
Patuloy namang nagsasagawa ng rescue at search operation ang mga awtoridad ng Batangas Police Station sa nawawalang sina Karen at Rowan na pinaniniwalaang patay na rin.
Base sa ulat ng pulisya, naganap ang trahedya dakong alas-5:30 ng hapon kamakalawa nang magtungo ang mga biktima sa baybayin ng Palico River.
Nabatid na ang mga biktima ay naglalakad malapit sa dagat nang bigla na lamang silang tangayin ng dambuhalang alon at malakas na hangin. (Ulat ni Ed Amoroso)