Gayunman, dahilan sa maagap na pagresponde ng nakaalertong puwersa ng militar at CAFGU ay naitaboy ang renegade forces ni Misuari.
Batay sa report na tinanggap kahapon ni AFP Chief of Staff Gen. Diomedio Villanueva, nabatid na naganap ang pag-atake ng mga loyalista ni Misuari sa Panamao Municipal Hall bandang alas-7:30 ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon, tatlumpung miyembro umano ng Misuari Renegade Group (MRG) na armado ng matataas na kalibre ng armas ang nagtangkang pasukin at okupahan ang munisipyo ngunit malayo pa lamang umano ang mga ito ay natunugan na sila ng nakaantabay na mga civilian volunteers.
Agad naman umanong ipinaalam ng mga sibilyan ang paparating na puwersa ng MRG kay Panamao Mayor Bassar Abdurajak na nasa naturang bisinidad ng mga oras na nabanggit.
Mabilis na humingi ng tulong ang mga ito sa kalapit na military detachment kung kaya makalipas ang ilang sandali ay nagsalubong ang puwersa ng militar at ng rebeldeng grupo, ilang metro ang layo mula sa munisipyo.
Dahil sa pagkadehado sa labanan ay isa-isang tumakas sa ibat ibang direksyon ang mga rebelde habang wala namang naitalang nasugatan o nasawi sa panig naman ng militar, sibilyan at MRG. (Ulat ni Joy Cantos)