Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Aguinaldo, bandang alas-8:00 ng umaga habang sinusuyod ng mga elemento ng 2nd Scout Ranger Battalion ang bulubunduking bahagi ng Brgy. Kandulan, Parang ng masabat ang may 20 renegades Moro National Liberation Front (MNLF).
Agad na pinaulanan ng punglo ng armadong loyalista ni Misuari ang mga nagpapatrulyang sundalo na nagresulta sa mainitang bakbakan sa pagitan ng magkabilang panig.
Tumagal ang palitan ng putok ng mga sampung minuto kayat napilitan ang mga renegades na umatras at mapilitang abandonahin ang kanilang mga armas at ekspolisibo upang di abutan ng tumutugis na puwersa ng pamahalaan.
Narekober sa pinangyarihan ng engkuwentro ang ilang matataas na kalibre ng armas, mga eksplosibo at landmines na inabandona ng mga nagsitakas na tauhan ng nagrebelyong dating ARMM Governor.
Kabilang pa sa nasamsam ay isang caliber .38 revolver, M14 rifle, rifle grenade, apat na anti-personnel landmines, combat packs na naglalaman ng mga personal na kagamitan, mga bala, dalawang pares ng combat boots, transmission at communication lines, identification card at mga subersibong dokumento. (Ulat ni Joy Cantos)