Kinilala ni AFP Southcom Chief Lt. Gen. Roy Cimatu ang mga napaslang na Commander ng MRG na sina Commander Sahabil Jurham Sabtal, Commander Bensali Ibrahim at Commander Sahali Abdulhammed Hanibulah na pawang nasawi sa kasagsagan ng bakbakan na tumagal ng may apat na oras.
Sinabi ni Cimatu na kasalukuyang ginagalugad ng mga elemento ng 7th Infantry Battalion ang Kalunawas, Brgy. Imanan ng Patikul bandang alas-11:30 ng umaga nang magpang-abot ang magkabilang panig.
Idinagdag ni Cimatu na bagamat kapos at dehado sa bilang ng tauhan ang panagupang puwersa ng militar ay nagawa pa ring makipagsabayan ng mga sundalo sa mga armadong rebelde.
Sinabi pa ni Cimatu na napilitang umatras sa labanan ang mga rebeldeng Muslim matapos na mapaslang ang tatlong kumander ng mga ito.
May teorya ang militar na marami pa ang nalagas sa puwersa ng mga rebeldeng Muslim bagamat hindi pa mabatid ang eksaktong bilang matapos umatras sa sagupaan.
Ayon pa kay Cimatu, siyam na sundalo naman ng gobyerno kabilang na si Lt. Gonzales ang nasugatan sa bakbakan at agad nang naisugod sa ospital para malapatan ng lunas.
Binigyang-diin ni Cimatu na magpapatuloy ang isasagawang pagsuyod ng mga kawal sa masukal na kagubatan ng Sulu sa paglalayong malipol ang lahat ng gumagalang armadong loyalista ni Misuari. (Ulat ni Joy Cantos)