Sekyu tumangging pakasal sa nobya tinigok

CARMONA, Cavtie – Dahil sa pagtangging pakasalan ang nabuntis na nobya ay binaril at napatay ang isang security guard ng ama ng una habang ang biktima ay naglalakad sa pinapasukang pabrika sa Brgy. Bangcal ng bayang ito kamakalawa ng hapon.

Sabog ang ulo ng biktimang si Rick Limasa, 27, residente ng Brgy. Poblacion Blk. 2 Lot 10 sa GMA, Cavite, isang sekyu ng New Mark Security and Allied Services at nakatalaga sa Grandville Company.

Samantala, ang suspek na ngayon ay tinutugis ng pulisya ay nakilalang si Maximo Belen ng Brgy. Langkiwa, Biñan, Laguna.

Ayon sa ulat ng pulisya, kinumpronta ng suspek ang biktima tungkol sa nabanggit na isyu subalit tumanggi ito bago nagkaroon ng mainitang pagtatalo hanggang barilin at mapatay si Limasa. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments