Ang naturang mga evacuees ay kinakanlong sa mga evacuation center sa Pikit Municipal Plaza, Fort Pikit Mahad, Buisan warehouse, isang gusali ng National Food Authority (NFA) at ilang resettlement areas sa Brgy. Gli-gli, Batulawan, Kalawang at Poblacion sa bayan ng Pikit.
Sa ulat na natanggap kahapon ni National Disaster Coordinating Center (NDCC) Executive Officer, Ret. Major Gen. Melchor Rosales, naitala sa 12 barangay sa bayan ng Pikit ang apektado sa patuloy na bakbakan ng tropa ng militar at ng mga kidnappers ni Martin.
Matatandaang si Martin ay dinukot ng mga tauhan ng Pentagon group noong nakaraang Nobyembre 4 sa Libunga, Cotabato. Ang kidnap victim ay isang rice trader at dinukot ng mga armadong kalalakihan sa mismong rice mill nito.
Sa kaugnay na kaganapan, iniulat rin ng NDCC ang naganap na pananalanta ng flashflood bunga ng walang humpay na pag-ulan na nakaapekto sa 23 barangays sa mga bayan ng Victorias, Cawayan, Sagay, Manapia at maging sa Cadiz City sa Negros Occidental kamakalawa. (Ulat ni Joy Cantos)