18 kawal, 10 NPA patay sa sagupaan

DAVAO CITY – Tinatayang aabot sa labingwalong sundalo mula sa Army’s Elite Special Forces at sampung rebeldeng New People’s Army (NPA) ang iniulat na nasawi makaraan ang madugong sagupaan sa magubat na Barangay Aliwagwag, Cateel, Davao Oriental noong Sabado ng umaga.

Base sa ulat ni 701st Infantry Brigade Commander Col. Felipe Berroya, kasalukuyang nagsasagawa ng operasyon ang tropa ng militar sa pamumuno ng isang Lt. Paule, sakay ng dump truck nang biglang sumabog ang nadaanang land mine na itinanim ng mga rebelde.

Sinamantala ng mga rebelde ang pagkakataon na ratratin ang tropa ng sundalo na sakay ng trak subalit gumanti naman ang mga ito na ikinasawi ng 18 sa panig ng militar habang sa panig naman ng mga rebelde ay aabot sa 10 NPA at hindi mabatid ang bilang ng sugatan.

Dahil sa mabilis na pagtawag sa radyo ng 30th Special Forces sa kanilang kasamahan ay mabilis namang nagresponde ang tropa ng 27th SF Company mula sa Caraga kaya umatras ang hindi nabatid na bilang ng mga rebelde.

Ayon kay Berroya, ang mga rebeldeng nakasagupa ng kanyang mga tauhan ay kabilang sa nanunog ng apat na relay stations ng telecommunication firms sa Mawab, Compostela Valley

Anim naman na sundalo ang malubhang nasugatan sa naganap na sagupaan samantala, ang isa pang kawal ay kasalukuyan pang nawawala.

Nabatid pa kay Berroya, tinangay pa ng mga rebelde ang 21 high-powered firearms mula sa mga napatay na sundalo.

Sinabi rin ni Berroya na ang naganap na pangyayari ay pinalalagay na paghihiganti ng mga rebelde sa tropa ng militar dahil sa pagkakapatay sa 15 NPA sa naganap na engkuwentro sa bayan ng Nabunturan, Compostela Valley noong nakaraang Biyernes. (Ulat nina Edith Regalado at Jhay Mejias)

Show comments