4 mangangaso pinagbabaril

GENERAL SANTOS CITY – Apat na mangangaso kabilang na ang isang brgy. captain ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga maskaradong kalalakihan na pinaniniwalaang mga miyembro ng rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Sitio Kawit, Brgy. Maligo, Polomolok, South Cotabato kamakalawa.

Kinilala ng mga tauhan ni Central Mindanao PNP Director P/Chief Supt. Manuel Raval ang mga biktima na sina Henry Guillero, 34, isang brgy. captain sa Brgy. Lumakil; Ernesto Delos Santos at ang mag-utol na Erwin Guillero, 23 at Marvin Guillero.

Nakaligtas naman sa tiyak na kamatayan ang isang 7-anyos na batang lalaki na kasama ng mga biktima na si Jovi Cerbo.

Nabatid sa ulat, naganap ang pangyayari bandang alas-10 ng umaga sa loob ng bahay ng isa sa mga biktima.

Pumasok pa ang mga rebelde sa bahay at kumain saka nakipagkuwentuhan sa mga biktima.

Akmang pababa na sa bahay ang mga rebelde nang biglang niratrat ang mga biktima sa hindi nabatid na dahilan. (Ulat ni Boyet Jubelag)

Show comments