Kinilala ang biktima na si SPO1 Catalino Seda, nakatalaga sa Sulu Provincial Police Office (SPPO) na nasawi noon din sa insidente.
Ang biktima ay burdado ng saksak sa dibdib at hiniwa pa sa leeg ng marekober ng mga nagrespondeng awtoridad ang bangkay nito.
Matapos na mahimasmasan ay agad namang sumuko ang suspek na si Wilfredo Canoneo, may-ari ng Eng-Eng eatery & videoke house na matatagpuan sa Brgy. Making, Parang ng nabanggit na lalawigan.
Batay sa report na nakarating kahapon sa Camp Crame, kostumer umano sa nasabing establisimiyento ang biktima kasama ang dalawang iba pa dakong alas-7:20 kamakalawa ng gabi.
Nang malasing umano ay naging maingay ang pulis kung kaya inawat ito at pinagsabihan ng may-aring si Canoneo.
Dahil umano sa hindi nagustuhang pagpigil sa kanya ng negosyante kaya nag-desisyon ang pulis na umalis na lamang ng videoke bar at huwag bayaran ang mga inorder dito dahil hindi umanoy magaling makisama at paki-alamero ang may-aring si Canoneo.
Gayunpaman, bago pa umano makalabas ang biktima ay inundayan na ito ng saksak ng suspek sa dibdib at leeg na agad nitong ikinamatay. (Ulat ni Joy Cantos)