Absuwelto sa korte, pinatay

LUCENA CITY – Isang 32-anyos na lalaki na pinaniniwalaang naabsuwelto sa kasong pagtutulak ng droga ang niratrat hanggang sa mapatay ng tatlong hindi kilalang kalalakihan habang ang biktima ay papasok ng isang hotel sa Brgy. Bocohan ng lungsod na ito kamakalawa ng hapon.

Ang biktima na nagtamo ng 14 na tama ng bala ng kalibre 9mm sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay nakilalang si Harold Villamor ng Brgy. Wawa, Railroad San Pablo City.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Renato Pelobello, naganap ang pananambang dakong alas-4:30 ng hapon habang ang biktima ay nagmamaneho ng owner type jeep (DPK-797) papasok ng compound ng Roadside Inn Hotel.

May teorya ang pulisya na ang motibo ng krimen ay may kinalaman sa droga at love triangle. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments